Add parallel Print Page Options

Ang Pagbabautismo kay Jesus(A)

13 Dumating si Jesus sa Ilog ng Jordan mula sa Galilea at pinuntahan niya si Juan upang magpabautismo. 14 Tumutol si Juan na bautismuhan si Jesus at sinabi, “Bakit magpapabautismo ka sa akin? Ako ang dapat magpabautismo sa iyo.” 15 Pero sumagot si Jesus, “Hayaan mong mangyari ito ngayon, dahil ito ang nararapat nating gawin upang matupad ang kalooban ng Dios.” Kaya pumayag si Juan. 16 Nang mabautismuhan si Jesus, umahon siya sa tubig. Bumukas ang langit at nakita ni Jesus ang Espiritu ng Dios na bumaba sa kanya na tulad ng isang kalapati. 17 At may boses na narinig mula sa langit na nagsasabi, “Ito ang minamahal kong Anak na lubos kong kinalulugdan.”

Ang Pagtukso kay Jesus(B)

Pagkatapos nito, dinala ng Banal na Espiritu si Jesus sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. Doon ay nag-ayuno si Jesus ng 40 araw at 40 gabi, kaya nagutom siya. Dumating ang Manunukso at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, gawin mong tinapay ang mga batong ito.” Pero sumagot si Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Hindi lang sa pagkain nabubuhay ang tao kundi sa bawat salita ng Dios.’ ”[a]

Dinala naman siya ng diyablo sa Jerusalem, ang banal na lungsod, doon sa pinakamataas na bahagi ng templo. At sinabi niya kay Jesus, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, tumalon ka. Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel na ingatan ka. At aalalayan ka nila upang hindi tumama ang iyong mga paa sa bato.’ ”[b] Pero sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Dios.’ ”[c]

Pagkatapos, dinala pa siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok, at ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kayamanan at kadakilaan ng mga ito. At sinabi ng diyablo kay Jesus, “Ang lahat ng iyan ay ibibigay ko sa iyo, kung luluhod ka at sasamba sa akin.” 10 Pero sinagot siya ni Jesus, “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Dios at siya lamang ang iyong paglingkuran.’ ”[d]

11 Pagkatapos nito, iniwan na siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel ng Dios at naglingkod sa kanya.

Footnotes

  1. 4:4 Deu. 8:3.
  2. 4:6 Salmo 91:11-12.
  3. 4:7 Deu. 6:16.
  4. 4:10 Deu. 6:13.

Ang Pagbabautismo kay Jesus(A)

21 Isang araw, pagkatapos mabautismuhan ni Juan ang mga tao, nagpabautismo rin si Jesus. At nang nananalangin si Jesus, bumukas ang langit, 22 at bumaba sa kanya ang Banal na Espiritu sa anyo ng isang kalapati. At may boses na narinig mula sa langit na nagsabi, “Ikaw ang minamahal kong Anak; lubos kitang kinalulugdan.”

Read full chapter

Ang Pagtukso kay Jesus(A)

Umalis si Jesus sa Jordan na puspos ng Banal na Espiritu. At dinala siya ng Espiritu sa ilang. Doon ay tinukso siya ng diyablo sa loob ng 40 araw. Hindi siya kumain sa buong panahong iyon, kaya gutom na gutom siya. Sinabi sa kanya ng diyablo, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, gawin mong tinapay ang batong ito.” Pero sinagot siya ni Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Hindi lang sa pagkain nabubuhay ang tao.’ ”[a]

Dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na lugar, at sa isang iglap ay ipinakita sa kanya ang lahat ng kaharian ng mundo. At sinabi ng diyablo kay Jesus, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihan at karangyaan ng mga kahariang ito, dahil ipinagkatiwala sa akin ang mga iyan at maibibigay ko sa kanino mang gusto ko. Kaya kung sasambahin mo ako, mapapasaiyo ang lahat ng iyan.” Pero sumagot si Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Sambahin mo ang Panginoon mong Dios at siya lang ang dapat mong paglingkuran.’ ”[b]

Pagkatapos, dinala siya ng diyablo sa Jerusalem, sa pinakamataas na bahagi ng templo, at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Dios, magpatihulog ka. 10 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, ‘Uutusan ng Dios ang kanyang mga anghel na ingatan ka. 11 Aalalayan ka nila upang hindi tumama ang mga paa mo sa bato.’ ”[c] 12 Pero sumagot si Jesus, “Sinasabi sa Kasulatan, ‘Huwag mong subukin ang Panginoon mong Dios.’ ”[d]

13 Matapos siyang tuksuhin ng diyablo sa lahat ng paraan, iniwan siya nito at naghintay ng ibang pagkakataon.

Read full chapter

Footnotes

  1. 4:4 Deu. 8:3.
  2. 4:8 Deu. 6:13.
  3. 4:11 Salmo 91:11-12.
  4. 4:12 Deu. 6:16.